Makikipagkasundo pa ba?

Dear Dr. Love,

Dalawang taon na po kaming nagkahiwalay ng boyfriend ko. Nagkaroon na ako ng ibang karelasyon, pero siya pa rin ang hina­hanap ng puso ko. Ang malabo lang, sa minsan pagkakaroon namin ng argumento ay nagkasiraan kami.

Pareho kaming nadala ng pagkabanas kaya kapwa nakapagsalita ng masasakit na salita sa isa’t isa. Ako po ang humanap ng paraan para makapag-usap kami. Pero hindi sinasagot ni Manny ang cellphone niya. At kung sa opisina naman niya ako tumatawag, pinapasabi niya sa kanyang officemates na wala siya.

Ang naging huling paraan ko ay kausapin ang kanyang kapatid. Pero ang sabi ni Juliet, nasaktan daw ng sobra ang kanyang kapatid. Sa madaling salita, wala pong nangyari sa pag-e-effort kong maisalba ang aming relasyon.

Dumating sa punto na sa tangkang pakikipag-kasundo ko, natatapakan ko na ang aking pride. Gusto kong kalimutan na si Manny, pero hindi ko po magawa. Payag ang isip ko pero tutol ang puso ko.

Ano po ang mabuting gawin ko? Dahil kahit mayroon akong ibang manliligaw siya pa rin ang naaalala ko. Pagpayuhan mo po ako.

Gumagalang,

Loveless sa Valentines

Dear Loveless sa Valentines,

Huwag mong sayangin ang oras mo sa isang lalaki na hindi naman talaga nagmamalasakit sa’yo. Isipin mo na lang, sa panahong magkarelasyon kayo isang beses lang kayo nagkaroon ng argumento. Pero ang pangyayaring iyon ay humantong sa pakiki­paghiwalay niya sa’yo.

Ang palagay ko ay humanap lang ng butas ang boyfriend mo para magkasira kayo. Dahil kung may concern siya, hindi niya hahayaang magmukhang engot ka sa iba. Hindi niya magagawang dedmahin ang effort mo para magkausap kayo, for the fact na siya ang lalaki.

Huwag kang maging unfair sa sarili mo. Hindi lang siya ang lalaki sa mundo. Makaka­kilala ka pa ng mas deserving sa pagmamahal mo. Kaya tanggalin mo na siya sa isip at puso mo.

DR. LOVE

Show comments