Ang worry ni Lola

Dear Dr. Love,

Retired teacher na po ako at ang tanging pinagkakaabalahan ko ay maitaguyod ang ma­buting pagpapalaki sa aking mga apo.

Salamat sa Diyos at wala naman akong problema financially at healthwise. Lately lang po ay nag-aalala ako sa apo kong teenager, anak ng bunso kong si Celina.

Napansin ko po na tuwing magbabakasyon siya sa bahay, mayroong mumunting mga bagay na nawawala sa aking silid tulad ng aking pabango at iba pang beauty products na padala ng isa kong anak mula sa abroad.

Hindi ko po naman ipinagdadamot ito sa kanya kung sasabihin niyang gagamitin niya o kaya’y hihinging regalo dahil hindi siya nakakabili ng ganyang klaseng beauty products.

Nag-aalangan po akong sabihin ito sa kanyang ina o kaya’y sitahin siya dahil baka mag­damdam sa akin at hindi na magbakasyon sa bahay. Pero ang inaalala ko po ay kung maging habit niya ito at hindi lang sa akin gawin kundi maging sa iba pang bahay na pinupuntahan niya.

Payuhan mo po ako kung anong magandang approach na dapat kong gawin sa pagsita sa aking apo para hindi siya masanay mang-umit.

Maraming salamat po.

Gumagalang,

Lola Marcela

Dear Lola Marcela,

Sa susunod na pagbabakasyon ng teenager mong apo, ipaunawa mo sa kanya na lahat ng bagay na nasa silid mo ay puwede niyang magamit basta ipaalam lang sa iyo.

Kung maulit pa ang kahalintulad na insidente ng pang-uumit, doon mo na sabihan ang anak mo. Habang maaga dapat matulungan siyang disiplinahin ang sarili sa pangunguha ng hindi kanya.

Ang pagtuturo ng leksiyon at kabutihang ugali ay mas epektibo kung gagawin habang bata pa. Dahil sa sandaling kasanayan na ito, mahirap nang maituwid. At posibleng lumala pa kalaunan. 

DR. LOVE        

Show comments