Takot nang umibig
Dear Dr. Love,
Nais kong ipaabot sa iyo ang isang mainit na pagbati at umaasa ako na nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng sulat na ito.
Isa ako sa mga masugid mong tagasubaybay sa column na Dr. Love. Inaasahan ko na sana’y paunlakan mong maitampok ang aking sulat sa iyong bantog na column.
Ako po si Sylvia, 25-anyos at dalaga pa rin. May manliligaw ako. Tawagin mo nalang siyang Lando. Aaminin kong may pagtatangi ako sa kanya pero ayaw kong magpahalata. Ang dahilan ay takot na akong umibig sa pangamba na ako’y muling mabigo.
Mula nang ako’y 18-years old, lima na ang naging seryoso kong kasintahan at lahat sila’y nagsalawahan. Ganyan ba lahat ang lalaki?
Isa akong public school teacher at ito na lamang ang pinagkakaabalahan ko. Marunong pa rin akong ma-in love pero takot na nga ako.
Pero idinidikta ng puso ko na sagutin ang aking manliligaw habang tumututol ang aking isip. Tulungan mo ako, Dr. Love.
Sylvia
Dear Sylvia,
Nilikha ng Diyos ang tao para umibig. Kung dumanas ka man ng kabiguan sa nakalipas mong mga relasyon, ituring mong saradong kabanata iyan ng iyong buhay.
Huwag mo lang isasara ang puso mo sa tawag ng pag-ibig. Sabi nga sa wikang Ingles “It is better to have love and lost than never to have loved at all.”
Huwag kang matakot sa pag-ibig pero maging matalino ka lamang sa pagpili ng iyong mamahalin.
Dr. Love
- Latest