Pikot

Dear Dr. Love,

Kay bilis ng panahon. Parang kamakailan lang ay nagdiwang tayo ng Pasko at ngayo’y bumibilang na lang tayo ng ilang buwan at Pasko na naman.

Ayaw ko sanang maging sentimental pero hindi ko maiwasan.  Iniwan ako ng aking asawa bago mag-pasko noong isang taon dahil sa ibang babae.

Siya nga pala, tawagin mo na lang akong Leila, 34-anyos at ako’y nagdadalamhati dahil sa mapait na pangyayaring ito sa aking buhay.

Isang dating seaman ang asawa ko at dahil sa sulsol ng kanyang sariling mga magulang ay iniwan ako. Naniwala siya na nagtataksil ako sa kanya. Walang katotohanan ito.

Sa tingin ko ay nagsabwatan lang sila ng kanyang ama at ina,  at humabi ng istorya para may dahilan ang aming paghihiwalay. Kasalanan ko rin. Ako ang nagpakita ng motibo sa kanya noon at tinukso ko siya kaya ko siya napangasawa. Nakakahiya man, pinikot ko siya. Ngunit talagang mahal ko siya. Tulungan mo ako, Dr. Love. Ibig kong magkabalikan kami.

Leila

Dear Leila,

Kasalanan mo nga. Unfair ka sa lalaking yaon na pinilit mong maikasal sa iyo kahit wala siyang gusto sa iyo.

Ang masasabi ko, magsakripisyo ka. Kung mahal mo siya, ibigay mo ang kanyang ikaliligaya. Kung tutuusin, balido ang dahilan para makakuha kayo ng pagpapawalang bisa o annulment ng inyong kasal. Inakit mo lang siya at pinilit.

Masakit man, aminin mo ito sa harap ng husgado. Ipa-annul ninyo ang inyong kasal para kapwa kayo makapag-move on.

Dr. Love

 

         

Show comments