Gustong masolo ang ina

Dear Dr. Love,

Ako lamang po sa limang magkaka­patid ang pinalad na makatapos ng pag-aaral kahit kursong vocational sa pamamagitan ng sariling pagsisikap.

Ngayon mayroon na akong trabaho, sariling pamilya. Kaming mag-asawa ay kapwa nagsisikap na makapundar ng lote at bahay.

Dati ako ang nagbabakasyon sa aming­ lalawigan sa Mindanao para mabisita ang aking ina. Ayaw niya kasing tumira sa akin, dahil maiiwanan niya raw ang iba ko pang kapatid at mga apo.

Pero pumayag siyang magbakasyon sa bahay nang yayain ko kailan lang. Pero sa kondisyong isasama niya ang isa kong kapatid at apo. Gusto ko po na magka­sama-sama kaming magkakapatid. Ang problema ay isa lang ang kaya kong pama­sahihan sa eroplano. At ang nanay ko iyon para masarili ko naman siya at makilala niya ang mga apo niya sa akin.

Paano ko po sasabihin ito sa aking ina nang hindi magdaramdam ang kapatid ko? Ayaw ko po na magmukhang maramot ako sa kanila.

Pagpayuhan po ninyo ako.

Gumagalang,

Belen

Dear Belen,

Gaya ng pagkakasalaysay mo sa liham mong ito. Ganon ang sabihin mo sa iyong ina. Natitiyak ko na mauunawaan ka niya at bilang ina ay alam niya kung paano maipaparating sa iyong kapatid ang kawalan mo ng kakayahan na pamasahihan sila nang hindi sila magtatampo.

Pwedeng ikaw rin ang direktang magpaliwanag via phone call kung posible. Nasa magandang pag-uusap lang ‘yan.

DR. LOVE              

                            

Show comments