Mas masakit ang panlalait

Dear Dr. Love,

Bagaman nakakatiyak ako ngayon na wala na ako sa miserableng sitwasyon ng aking buhay, hanggang sa kasalukuyan ay hindi ko pa rin masiguro kung magkakaroon ng epekto ang karanasan ko sa pag-aasawa sa sandaling makipagrelasyon na sa iba.

Walang sino man ang nanghihinayang sa kinahinatnan ng pagsasama namin ni Conrad. Matalino siya sa kanyang propesyon pero tinutu­ring na kulang ang tornilyo sa utak dahil sa pagiging mainitin ang ulo, walang pasensiya at pagkayamot kapag para sa kanya ay walang alam ang kasama niya sa bahay o sa gawaing paglilibang.

Nagsimula ang hindi namin pagkaka­una­waan ni Conrad nang igiit ko na mag-ampon kami dahil sa kabiguang magkaanak sa loob ng limang taong pagsasama. Hindi po kasi matanggap ng aking asawa na baog siya at sa kabila ng kasaganahan ay hindi ako maligaya dahil walang baby.

Hindi naman po siya nananakit nang pisikal pero sa tuwing nag-aaway kami ay daig ko pa ang bugbog sarado dahil sa kanyang mga panlalait. Ang masaklap po ay wala siyang pakundangan kung saan man siya abutin ng galit at pagbibitaw ng maaanghang na salita, kahit may ibang tao sa paligid.

Verbal abuse po ito, ang paliwanag sa akin ng abogado; na mas matindi pa anila kaysa maging battered wife. Dahil po sa hindi niya makontrol na pagsasalita ng hindi maganda, na kahit sa korte ay lumabas ang mga panlalait niya sa akin, napadali po ang kaso namin.

 Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa po ako makapag-move on sa kinahinatnan ng seryoso kong pakikipagrelasyon. Pagpayuhan po ninyo ako.  

Salamat po Dr. Love at more power.

Diane

Dear Diane,

Ang mga bagay na nangyari na ay hindi na natin maibabalik. Kaya ituon mo ang sarili sa paghahangad ng mas magandang umaga para maging masaya ka sa iyong buhay. Makakatulong kung mapapatawad mo na ang iyong asawa. Unti-unti mong simulan na bumangon. Ang mga bagay na kinahihiligan mo ay magandang panimula para mapagaan ang bawat araw mo. Samahan mo rin ng regular na panalangin dahil makabuluhan ito sa ating buhay.

Dr. Love

 

Show comments