Unti-unti

Dear Dr. Love,

Isang pinagpala at mabiyayang araw sa iyo Dr. Love. Kabilang ako sa maraming sumusubaybay sa iyong column at tulad nila, hanap ko rin ang maganda mong payo sa aking problema.

Nawa ay mapaunlakan mong itampok ang aking sulat sa malaganap mong column.

Tawagin mo na lang akong Regina, 39 anyos at dalawang taon nang  biyuda. Teenager na ang kaisa-isa kong anak na babae at nasa ikatlong grado ng high school. Mag-isa ko siyang itinaguyod kahit ako’y isa lamang saleslady. Sa totoo lang hirap na hirap ako dahil maliit lang ang kinikita ko.

Nagkaroon ako ng boyfriend na kapareho kong biyudo. Isa siyang business executive at niyayaya akong pakasal. Alam kong malaking tulong siya sa akin sa pagtataguyod ng aking anak at nangako naman siyang gagawin niya ‘yon.

Kaso, madalas kong marinig sa anak ko na ayaw niya akong mag-asawa kaya hindi ako makapagsabi sa kanya at baka siya magtampo. Ano ang gagawin ko?

Regina

Dear Regina,

Huwag mo siyang bibiglain. Ipakilala mo sa kanya ang iyong boyfriend bilang kaibigan at hayaan mo silang makapag-bonding para higit na makilala ang isa’t isa.

Kapag nahulog na ang loob ng anak mo sa kanya, doon mo unti-unting buksan ang plano mong mag-asawa muli. I’m sure mauunawaan ka niya.

Dr. Love

 

Show comments