May anak sa labas si Mister

Dear Dr. Love,

Dati po ang pagkakaroon ng anak sa labas ng aking mister ay hindi ko pinoproblema. Dahil ipinagtapat na niya ito sa akin noon pang nanliligaw pa lang siya sa akin.

Lalaki ang bata na ngayon ay limang taon na at siya ay nasa pangangalaga ng kanyang ina na hanggang ngayon ay wala pang asawa. Ang sabi ng mister ko, wala silang relasyon ni Carla nang mabuntis niya ito. Dala lamang daw ng kalasingan at pang-uurot ng kanilang barkada kung kaya nagkasiping sila.

Bagaman hindi niya pinakasalan si Carla, mayroon silang kasunduan na magbibigay siya ng sus­ tento sa bata. Wala namang kaso ang bagay na ito sa akin at nagpakasal pa rin ako kay Gabriel dahil nagmamahalan kami.

Nagsimula lang ang aking pangamba sa hinaharap nang sabihin sa akin ng manggagamot na napakaliit ng tsansa na magkaroon kami ng anak.

Doon na rin nagsimulang dumalas ang pagdalaw ng aking asawa sa kanyang anak. Sa halip na sa bangko lang niya pinadadaan ang pera para sa bata, siya na ang personal na nagdadala sa bahay ni Carla.

Minsan sa hindi sinasadyang pagbubukas ko ng kanyang brief case, nakita ko ang picture nila ng bata na kumakain sa restaurant at larawan ng bata kasama ang kanyang ina. Ito po ba ang maaaring tanda na ng kanyang interes  sa kanyang anak at pati na rin kay Carla? Gusto ko po siyang prangkahin kung may katotohanan ang aking hinala. Pero hindi ko po magawa dahil baka ikatuwiran niya ang kawalan ko ng kakayahang mabigyan siya ng anak, kaya hindi ko dapat ipagkait sa kanya na bigyan ng atensiyon ang anak niya.

Ano po ba ang dapat kong gawin? Mahal ko po ang aking asawa at hindi ko gustong iwanan niya ako dahil hindi ko mabigyan siya ng anak.
   Sana po matulungan ninyo ako.

Yours sincerely,

Lydia

Dear Lydia,

Higit sa lahat ay pinakamabuti ang maging tapat sa kabiyak. Tsumempo ka ng magandang pag­ kakataon para makapag-heart to heart talk kayong mag-asawa. Saka mo sabihin sa kanya ang iyong pangamba. Malalaman mo rin dito ang saloobin niya.

Huwag mong hayaan na balutin ng pag-aalinlangan ang inyong pagsasama bilang mag-asawa dahil hindi ito makakatulong. Huwag ka ring mawalan ng pag-asawa sa pagkakaroon ng anak. Lagi mong ipanalangin ang iyong sinapupunan at magtiwala ka na walang imposible sa Diyos. Kasama mo ang pitak na ito sa bawat panalangin. Pinagpalang Bagong Taon sa iyo.

Dr. Love

Show comments