Tama si Inay
Dear Dr. Love,
Laging nasa huli ang pagsisisi. Ito po ang laging sinasabi ni Inay kapag nakikita niyang hindi na ako magkandaugaga sa tatlong anak at kung saan kukuha ng pambili ng gamot tuwing magkakasakit ang mga bata. At na-realize ko po na tama siya.
Kalbaryo ko po ngayon ay ang nagiging kabiguan sa mga lalaking pinakikisamahan. Ang huli po ay si Fred. Nagkaroon na kami ng dalawang anak, ang pangako niyang kasal, ni-ang pagpapabinyag sa mga bata ay nananatiling nakapako. Kaya napilitan akong magtrabaho. Kasambahay po ako at sa aking ina ko iniwan ang mga bata.
Dahil hindi ko po nakikita ang paninindigan kay Fred sa aming samahan, maging sa mga bata. Inihahanda ko na ang aking sarili na solong itaguyod ang mga bata. Nagpapasalamat na rin ako dahil inaalalayan ako ni Inay.
Sa simula palang po kasi ay malinaw sa akin na hindi ako gusto ng magulang ni Fred dahil may anak na ako sa naunang ka-live in ko. At ang nanay niya rin ang nagiging tinik sa aming relasyon.
Kahit pa pupunta si Fred sa San Jose del Monte Bulacan kung saan kami tumutuloy simula nang umalis ako sa poder nila sa probinsiya, hindi siya tinatantanan ng tawag sa cellphone ng kanyang ina. Takot po si Fred, Dr. Love dahil ayaw niyang mawalan ng mana sa lupa.
Payuhan mo po ako, Dr. Love dahil nalilito na ako. Niyaya na naman akong bumalik ni Fred sa probinsiya nila. Maraming salamat po at nawa’y magpatuloy ang magandang misyon ninyong makatulong sa mga may problema.
Gumagalang,
Luchi
Dear Luchi,
Mas mabuti na huwag kang sasama sa kanya hanggang mapatunayan niya na maging responsable na siyang ka-partner at higit sa lahat, bilang ama ng inyong mga anak. Ipakita mo rin sa partido niya na kaya mong itaguyod ang mga bata. Magdasal ka lagi para sa ibayong katatagan sa iyong buhay.
Dr. Love
- Latest