Walang trayduran sa pag-aresto kay Duterte– Palasyo

MANILA, Philippines — Itinanggi ng Palasyo ng Malakanyang ang mga akusasyon na nagkaroon ng pagtataksil o betrayal matapos na tulungan ang Interpol sa pagpapatupad ng arrest warrant laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na walang ginawang betrayal ang Pangulo at kahit kanino pa man dahil tinupad lamang niya ang sarili nating batas.
“So mas mahirap po siguro magkaroon ng betrayal ang administrasyon sa sarili nating batas. So wala pong betrayal kung kanino man po kung ito man po nagpapatupad ng pag-cooperate sa Interpol,” pahayag pa ni Castro.
Ang nangyari lamang aniya ay mayroong nakabinbing kaso sa ICC at sumusunod lamang tayo sa pagpapatupad ng RA 9851 partikular na ang section 17 kung saan nakasaad na ang otoridad ay maaaring magsuko o mag-extradite ng isang suspek o akusado ng Pilipinas sa tamang international court.
Ang reaksyon ni Castro ay kaugnay sa pahayag ni Senador Ronald Dela Rosa na kapwa akusado ni Duterte sa ICC na ang pag-aresto sa dating pangulo ay betrayal o pagtataksil ni Marcos.
Ito ay dahil tiniyak sa kanya na hindi siya makikipag-cooperate sa ICC dahil matapos aniya nila ay ang pamilya naman niya ang sumunod.
Para kay Castro, pananaw lamang ito ni Dela Rosa dahil nangangamba rin ang Senador na baka maging siya ay mayroong warrant of arrest.
- Latest