MANILA, Philippines — Umaabot na sa 529 ang kabuuang bilang ng mga aksidente sa kalsada na naitala nila ngayong holiday season.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang naturang bilang, na kinabibilangan ng 33 bagong kaso, ay naitala simula Disyembre 22 hanggang 6:00 AM ng Enero 1, 2025.
Batay sa datos, mas mataas ito ng 31% kumpara sa naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Sa kabuuang bilang naman ng road accidents, 383 ang kinasangkutan ng mga motorsiklo at 94 naaksidente ay nakainom ng alak, habang 459 ang hindi gumamit ng safety accessories.
Anang DOH, ang mga naturang aksidente ay nagresulta sa pagkasawi ng anim na indibidwal, kabilang ang apat na binawian ng buhay dahil sa motorcycle accident.
Muling pinaalalahanan ng DOH ang publiko na palagiang magsuot ng helmet at seatbelt kung sasakay ng motorsiklo o anumang uri ng behikulo.
Kung nakainom naman ng alak, dapat na iwasan ang pagmamaneho upang makaiwas sa aksidente.
Dagdag pa ng DOH, dapat ding sundin ng mga drivers ang speed limits at road signs, at tiyaking may sapat na tulog bago magmaneho.
Paalala pa ng DOH, sakaling magkaroon ng emergency sa kalsada, maaari anilang tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency hotline.