MANILA, Philippines — Nangangamba ang isang grupo ng mga guro na madidiskaril ang digitization sa sektor ng edukasyon bunsod na rin ng ginawang pagtapyas ng Kongreso ng P12 bilyon sa pondo ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Benjo Basas, chairperson ng Teachers Dignity Coalition (TDC), matagal nang pangarap ng sektor ng edukasyon na maging computerize at digitize ngunit dahil sa kakulangan sa budget ay tiyak na mahihirapan aniyang maisakatuparan ito sa ngayon.
Giit pa niya, ang mga paaralan sa bansa ay dapat na mayroong internet connectivity habang ang mga guro at mga mag-aaral ay dapat na may kakayahang gumamit ng modernong teknolohiya.
Nanindigan rin siya na obligasyon ng pamahalaan na magkaloob ng teknolohiya na kinakailangan sa mga paaralan.
Dismayado din si Basas na sinasabi lamang ng gobyerno na kailangan ng sektor ng edukasyon ng digitization at computerization program sa kabuuang sistema ngunit hindi naman ito naipapakita sa budget na ipinagkaloob sa DepEd.
Matatandaang tinapyasan ng Kongreso ang 2025 budget ng DepEd ng P12 bilyon, kabilang na ang P10 bilyon para sa computerization program nito.
Una na ring nagpahayag ng kalungkutan si Education Secretary Sonny Angara sa naturang desisyon at sinabing ang naturang budget cut ay makahahadlang sa mga guro at mga mag-aaral sa pag-access sa online learning at bagong education technology.