Paglagda ni PBBM sa 2 makabuluhang batas, pinuri ni Bong Go
MANILA, Philippines — Ikinatuwa ni Senator Christopher “Bong” Go, masugid na tagapagtaguyod para sa disaster resilience, ang paglagda ni Pangulong Marcos, Jr. sa dalawang makabuluhang batas na magpapalakas sa pagtugon ng bansa sa mga kalamidad at sa pagtiyak na mabilis na makarerekober ang mga apektadong Pilipino.
Nilagdaan noong Disyembre 6 sa Palasyo ng Malacañang sa isang seremonya na dinaluhan mismo ni Go, ang Ligtas Pinoy Centers Act (Republic Act No. 12076) at ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergency Act (Republic Act No. 12077) ay nagbibigay-diin sa mga proactive approach sa pagprotekta sa buhay, pagpapagaan ng hirap, at pagpapanumbalik sa normal na sitwasyon sa panahon ng mga kalamidad.
Ang Republic Act No. 12076: “An Act establishing evacuation centers for every city and municipality and appropriating funds therefor” o ang Ligtas Pinoy Centers Act, na pangunahing iniakda at co-sponsored ni Go, ay nag-uutos sa pagtatayo ng permanente at well-equipped evacuation centers sa buong bansa. Ito ay tugon sa matagal nang isyu sa mga pansamantalang tirahan tulad ng mga paaralan at gymnasium, na kadalasang nakaaabala sa edukasyon at lumilikha ng karagdagang paghihirap para sa mga bakwit.
“Hindi na kailangang magsiksikan sa mga eskwelahan o covered courts na walang sapat na pasilidad. Kailangan natin ng evacuation centers na maayos, kumpleto, at kayang protektahan ang ating mga kababayan,” idiniin ni Go.
Bukod sa Ligtas Pinoy Centers Act, ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na co-author at co-sponsor ni Go, ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga estudyanteng naapektuhan ng kalamidad. Pansamantalang ipinasususpinde ng batas ang mga pagbabayad ng student loan ng mga mag-aaral na naninirahan sa mga lugar na isinailalim sa State of Calamity o Emergency.
- Latest