P875 milyon inilabas ni Pangandaman para sa disaster, recovery fund sa bagyo

Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman

MANILA, Philippines — Bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., inaprubahan na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman ang pagpapalabas ng P875 milyon para punan ang Quick Response Fund (QRF) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang pondo ay bilang pampuno sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund sa ilalim ng Fiscal Year (FY) 2024 General Appropriations Act (GAA).

“Alam po natin na mahalaga ang papel ng DSWD sa pag-alalay at pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan lalo’t sunud-sunod po ang nangyaring mga kalamidad. Kaya nung nag-request po sila na i-replenish ang kanilang QRF, agad po natin ‘yang tinugunan bilang pagsunod din po sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na siguruhing may nakaantabay tayong pondo para sa anumang sakuna,” paliwanag ni Secretary Mina.

Sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act (GAA), maaaring gamitin ang NDRRM Fund bilang karagdagang funding source sa QRF ng mga may kinalamang implementing agency kung ang kanilang pondo ay nasa 50 porsiyento (50%) o pababa na lamang, base sa pag-apruba ng DBM.

Nitong of Oktubre 30, 2024, ang natitirang QRF balance ng DSWD ay wala nang 50 porsiyento sa P557.77 milyon o 31.87% na lamang ng kasalukuyang budget ng ahensiya.

Ang pag-apruba sa kahilingan ng DSWD ay krusyal upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng pagtulong at reco­very services sa ilalim ng Disaster Response and Management Program.

Nakalaan ang budget replenishment para sa pagbili ng mga Fa­mily Food Packs at mga Non-Food Items para sa mga reserbang relief resources ng mga DSWD warehouse at pagpapanatili ng Cash for Work program sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Julian sa Region I.

“Malaking bagay po ang pondong ito para tuloy-tuloy na makapagbigay ng tulong ang DSWD sa mga pamil­yang nasalanta ng bagyo,” diin ng Budget Secretary.

Show comments