Iba pang problema sa parking busisiin din - LCSP

MANILA, Philippines — Hinikayat ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang Kongreso na silipin din at imbestigahan ang iba’t ibang uri ng problema sa isyu sa parking at hindi lamang ang tungkol sa “Standing to Reserve Parking” na viral sa social media ngayon.

Ayon kay LCSP founding president Ariel Inton, kung may panukala na House Bill 11076 na nagsasaad ng pagbabawal sa isang tao na pisikal na bantayan ang parking space para lagyan ng ibang sasakyan, mas makabubuti anya na tingnan din ng mga mambabatas ang tungkol sa ibat ibang usapin sa parking sa bansa.

Binigyang diin dito ni Inton ang mga public parking spaces na ginagawa nang garahe ng ilan motorista tulad sa mga nakatira sa condo units habang may mga establisimyento anya ang ginagawang permanenteng garahe ang mga public parking area.

Gayundin ang mga one side parking sa barangay, Exemptions sa Building code sa required parking slots ng mga condominium at mga government offices na walang sapat na par­king spaces.

Ang mga bagay na ito anya ang dapat tingnan sa usapin ng parking dahil ito ang mga ugat ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa isang lugar at hindi ang pagbusisi sa naturang panukala dahil kaya na ito ng barangay.

Mawawalan din anya ng trabaho dito ang mga parking boys na umaasa sa maliit na kita para sa kanilang pamilya.

Aminado si Inton na hindi madali na masolus­yunan ang parking problem sa Metro Manila dahil sa dami ng mga sasak­yan pero dapat anyang bigyang pansin din ang pagtutok sa ibat ibang parking issues para sa kapakanan ng mamamayan.

Show comments