MANILA, Philippines — Isinugod sa Philippine Heart Center si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy nang makaramdam ng paninikip ng dibdib.
Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Jean Fajardo sa press briefing kahapon sa Kampo Crame.
Ayon kay Fajardo, Huwebes, Nobyembre 7 nang dumaing ng paninikip ng dibdib at pagkahilo si Quiboloy, dahilan para magsagawa ng medical examination ang PNP General Hospital.
Lumabas sa resulta ng medical exam na mayroon itong irregular heartbeat na maaaring maikonsidera na life threatening.
“Marami po ‘yong kailangang gawin sa kanya…just to make sure po na hindi po malalagay sa alanganin po ‘yong kanyang buhay po at ‘yong kanyang medical condition po,” ani Fajardo.
Dahil dito, inirekomenda ng PNP General Hospital na masuri ito nang maigi ng mga eksperto, dahil baka ito ay posibleng maging seryosong kondisyon.
Sinabi ni Fajardo na dinala sa PHC nitong Biyernes, November 8 si Quiboloy alinsunod sa utos ng Pasig Regional Trial Court. Dapat ding naibalik kahapon ng tanghali si Quiboloy sa PNP Custodial Center.
Subalit ayon kay Fajardo, kahapon din ay nakatanggap ang PNP Custodial Center ng kopya ng utos ng Pasig RTC na pinapalawig ang hiling na medical furlough ng kampo ni Quiboloy hanggang sa November 16, alas-5 ng hapon para makumpleto ang iba pang medical examination nito.
Tiniyak naman ni Fajardo na heavily-guarded ang kwarto ni Quiboloy at limitado lamang ang pinapayagan makabisita rito. Sa ngayon anya ay nasa maayos ang kondisyon ni Quiboloy.
Nakapiit si Quiboloy sa PNP Custodial Center bunsod ng kasong qualified human trafficking at sexual abuse charges.