Panukalang magbabawal sa pagtayo sa parking slot, itinulak

MANILA, Philippines — Nakatakdang mag­hain ng panukalang batas si Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña hinggil sa  pagbabawal sa pagtayo sa isang parking slot upang hindi makaparada rito ang naunang sasakyan.

Tatawaging ‘Mindful Parking’ bill ang panukala na naglalayong gawing patas ang paghahanap ng paradahan.

“Sadly, common courtesy is not so common nowadays. Imbes na magbigayan nagiging agawan na lang ang pagkuha ng mapaparkingan,” ani Cendaña.

Ilang social media post ang nag-viral hinggil sa agawan at unahan sa parking slot.

Kasabay nito, umapela si Cendaña sa mga motorista na maging mahinahon at iwasan ang pakikipag-away. Aniya, walang mabuting idudulot ang init ng ulo at sa halip ay idulog na lamang ang reklamo sa mga parking attendants.

Ayon kay Cendaña, papatawan ng multa ang mga indibidwal na tatayo sa paradahan at maaaring kanselahin ang lisensya ng mga motoristang gagawa nito.

Show comments