MANILA, Philippines — Inaasahan na umano ng dalawang House leader ang pagbaba ng trust at performance ratings ni Vice President Sara Duterte dahil sa patuloy na pag-iwas nito na sagutin ang mga tanong kaugnay sa paggastos nito ng confidential funds noong 2022 at 2023.
Inihahag ito nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong “ Gonzales Jr. at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe bilang reaksyon sa resulta ng pinakahuling OCTA Research survey.
“It is expected. Pera ng taumbayan ang ginastos niya na hanggang ngayon ay hindi niya ipinapaliwanag at balot na balot sa kontrobersiya,” ayon kay Gonzales.
“Simple lang ang mga tanong: pakipaliwanag ang paggamit ng confidential funds noong DepEd Secretary pa siya at ‘yung mga safehouses na binayaran ng P16 million para lamang sa 11 araw. Para sa mga kababayan nating nagbabayad ng buwis, dapat ay sinasagot niya ito,” giit pa ni Gonzales.
Binanggit nito ang P15 milyong inilaan ni VP Sara para sa Youth Leadership Summit na ayon sa mga opisyal ng AFP ay wala silang natanggap.
“Ang ating mga kababayan ay naghihintay ng paliwanag. We are a democracy that values transparency, especially in public spending. Hindi dapat balewalain ang mga tanong ng publiko,” ani Gonzales.
Iginiit naman ni Dalipe na ang mga kontrobersyang kinakaharap ni VP Sara ay nakadagdag ng pagdududa rito ng publiko kung kaya pa ba nitong mamuno.
Base sa OCTA Research survey ay nasa 6 puntos ang ibinaba ng trust rating ni VP Duterte na nasa 59% at 8 puntos sa performance na 52%.