MANILA, Philippines — Maghahain ng resolusyon ngayong Lunes (Okt. 21) si House Deputy Majority Leader, ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo para paimbestigahan ang PHILSAGA Mining Corp. dahil umano sa paglabag sa mga karapatan ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa kanilang ancestral lands sa Consuelo at San Andres sa Bunawan, Agusan del Sur.
Sinabi ni Tulfo na nakatanggap ang kanyang opisina ng reklamo mula kay Mary Jane Rodrigo-Hallasgo at Amatorio Rodrigo na kumakatawan sa pamilyang Rodrigo ng Bunawan, Agusan del Sur, mga katutubong Manobo, na nagmamay-ari at naninirahan sa lupain sa Consuelo at San Andres, Bunawan, Agusan del Sur.
“Sumbong nila, inagawan na sila ng lupa ng nasabing minahan wala pa silang natanggap kahit magkano para sa kanilang komunidad,” ayon kay Tulfo sa isang pahayag.
“Hindi natin pwedeng payagan na maabuso ang karapatan ng ating mga kapatid na IPs dahil umpisa pa lamang ay ito na ang isa sa palagi nating binabantayan, ang mga karapatan ng ating mga katutubo. Kadalasan kasi ay wala silang boses lalo na laban sa malalaking kumpanya, kaya sa aming magkakapatid na Tulfo sila madalas lumalapit,” dagdag ni Tulfo.
“They (IPs) were denied their rights over their ancestral land, its natural resources and royalty shares from the mining operation conducted in their land,” ayon sa resolusyon.