Higit 100 illegal POGOs tuloy operasyon — PAOCC

A raided POGO hub in Porac, Pampanga on June 24, 2024.

MANILA, Philippines — Namamayagpag pa rin ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa sa kabila ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na wala ng operasyon nito bago matapos ang 2024.

Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesperson Winston Casio, nasa higit 100 illegal POGO hubs pa ang nagpapatuloy sa kanilang operasyon.

“Ang problema talaga natin ay ‘yung mga illegal talaga from the get-go. ‘Yung sa umpisa palang illegal na talaga sila, underground na po sila. ‘Yun ‘yung nagiging problema ngayon sapagkat hinahabol po natin sila all over the country… Kasi ‘yung dating malalaki na daan-daan, ‘yung libo ang mga empleyado, nag disintegrate sila into smaller units kaya mas lalo silang dumami,” ani Casio.

Naniniwala si Casio na kailangan ang koordinas­yon ng lahat ng sangay ng pamahalaan at maging ng LGUs at barangay upang matukoy at matigil ang operasyon ngga illegal POGOs.

Dagdag ni Casio ang mga barangay at LGUs ang siyang dapat na manguna sa pagsawata ng mga illegal activities sa kanilang mga lugar.

Tiniyak ni Casio na tuluy tuloy ang kanilang operasyon kahit matapos ang Disyembre.

Kamakailan nang madakip ng mga awtoridad ang sinasabing “godfather” ng POGO na si Lyu Dong sa Biñan Laguna.

Show comments