MANILA, Philippines — Pinayuhan ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri ang kasalukuyang lider ng Senado at mga susunod pa na huwag magpaka-kampante dahil anumang oras ay maaari silang palitan sa puwesto.
Bagaman at hindi tahasang binanggit ang pangalan ni Senate President Chiz Escudero na unang napaulat na posibleng ikudeta bago magkabasyon ang Kongreso, sinabi ni Zubiri na hindi rin dapat maging “attached” sa kanyang upuan sinumang lider ng Senado.
“So my advice to the Senate President current and future, never warm up too much on your seat. Never be too attached to your office,” ani Zubiri.
Matatandaan na si Escudero ang pumalit kay Zubiri matapos makuha ang suporta ng mayorya ng mga senador.
Anya, normal na palaging nagkakaroon ng ugong na “kudeta” tuwing malapit ng magbakasyon ang mga senador at tinawag niya itong “normal occurrence.”
Sinabi rin ni Zubiri na wala naman siyang nakikitang pinapaikot na papel na naglalayong patalsikin si Escudero o kaya at kumakausap sa kanya tungkol sa isyu.