MANILA, Philippines — Nagbukas ng gates at nagpakawala ng tubig ang apat na dam sa Luzon nitong Sabado dahil sa patuloy na pagtaas ng water level ng mga dam sanhi ng walang puknat na pag-ulan dulot ng ibat ibang weather disturbance at habagat.
Sa tala ng Dam Monitoring Division ng PAGASA, tatlong gate ng Ambuklao sa Bokod, Benguet at Binga sa Itogon ang binuksan nang may lawak na 1.5 meters bawat gate makaraang umabot na sa 751.78 meters ang water level sa Ambuklao dam na malapit na sa normal high-water level na 752 meters.
Ang Binga Dam ay nagtala naman ng 574.67 meters na water level, malapit na sa normal–high na 575 meters.
Tig-isang gate naman ang nabuksan sa Magat Dam na nasa pagitan ng Ifugao at Isabela at Ipo Dam na nasa Bulacan para magpakawala rin ng tubig.
Ang Magat ay may 2 metrong lawak ng gate ang nabuksan nang umabot sa 186.43 meters ang water level nito habang nasa 0.15 meters ang lawak ng gate na binuksan sa Ipo nang pumalo naman sa 100.24 meters ang water level nito.