MANILA, Philippines — Tiniyak ni Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na magpapatuloy ang pagtutulungan ng Pilipinas at Japan upang mas mapaghandaan ang mga kalamidad.
Sa ginanap na courtesy call ng mga opisyal ng Japan Ground Self-Defense Force (JGSDF) at Japan Ministry of Defense (MOD) sa Camp Aguinaldo Quezon City, sinabi ni Nepomuceno na malaking tulong ang pagbisita ng grupo upang matulungan at mapalakas pa ang program ng OCD kaugnay patungkol sa disaster risk reduction and management.
“We are pleased with the recent visit of the Japan Ground Self-Defense Force and Japan Ministry of Defense to OCD. Japan is one of our steadfast partners or strong allies in DRRM. We are grateful for their continued support to us. Their best practices in DRRM are invaluable and worthy of emulation,” ani Nepomuceno.
Ipinakita ni Nepomuceno ang sistema at mekanismo ng OCD kaugnay ng ipinatutupad na disaster risk reduction and management ng bansa.
Kabilang dito ang monitoring at paghahanda sa panahon ng lindol, pagsabog ng bulkan at kung paano ang mga nararapat na paghahanda laban sa mga kalamidad.
Nanatili sa bansa ang mga opisyal ng Japan Ground Self-Defense Force at Japan Ministry of Defense mula Setyembre 1-7 kung saan isinagawa ang Japan-Philippines Humanitarian and Disaster Response Cooperation Project 2024 sa Headquarters Philippine Army, Fort Andres Bonifacio, Taguig City at sa Legazpi City, Albay.
Bukod pa rito, nagkasundo rin ang OCD at Japan International Cooperation Agency (JICA) na isulong ang capacity-building initiatives bilang bahagi ng Disaster Risk Reduction and Management – Capacity Enhancement Project Phase partnership program.