MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang local government units (LGUs) na magpatupad ng mga hakbang para mabawasan ang basura at maprotektahan ang kalusugan ng publiko.
Sa isang talumpati sa ikalawang Local Governance Summit 2024, sinabi ng Pangulo na base sa datos ng Department of Health (DOH) ang dahilan sa pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis at dengue ay dahil sa hindi tamang pagtatapon ng basura.
Ang problema sa solid waste management ng bansa ay isa rin sa pangunahing dahilan ng pagbaha sa Metro Manila noong panahon ng Bagyong Carina at Habagat nitong Hulyo.
Dahil dito kaya dapat aniya na magtrabaho ng mabuti ang mga lokal na pamahalaan para maayos ang kapaligiran at gumawa ng hakbang para mabawasan ang basura para maprotektahan na rin ang kapaligiran at ang kalusugan ng publiko.
Dapat din aniya na paalalahanan ng LGUs ang mga Filipino lalo na ang mga bata na huwag maglangoy sa mga baha at tamang personal na kalinisan para mabawasan pagkalat ng leptospirosis, Mpox, at iba pang mga sakit, na nakakahawa.