MANILA, Philippines — Nakalusot na sa panel ng House Committee on Ways and Means ang panukalang ilibre sa tax ang mga donasyong tulad ng cash prize sa mga pambansang atleta na sumasabak sa mga international sports competitions
Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, chairman ng komite at pangunahing may akda ng House Bill (HB) 421, ang panukala ay bilang pagkilala sa karangalang inihatid sa bansa ni Pinoy gymnast Carlos Edriel Yulo, ang kauna-unahang Olympians na nakasungkit ng dalawang gold medal sa Paris 2024 Olympics.
Una nang inihain ang HB 42 noong 18th Congress bilang pagkilala naman kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz pero nabigong mapagtibay sa Senado.
“A 12-year-old Carlos Yulo once gave an interview where he said that his dream was to win a gold medal for the Philippines in the Olympics. It took him more than a decade to reach that goal in the grandest manner possible,” ayon kay Salceda sa kaniyang sponsorship speech.
Sinabi ni Salceda na ang HB No. 421 o ang Hidilyn Diaz Act na inihain sa nakalipas na Kongreso ay dapat kilalanin din si Caloy Yulo sa mga premyo na ibinibigay ng mga brands at kumpanya matapos na manalo sa kumpetisyon. Bahagi ng mahalagang probisyon nito ay malibre sa tax ang mga donasyon na kanilang ginagamit sa pagsasanay isang taon bago ang kumpetisyon.
Bukod sa paglilibre sa tax sa mga donasyon, isang taon bago ang kumpetisyon, ipinanukala ng solon na ang mga donasyon na pinadaraan sa Philippine Sports Commission o ang Philippine Olympic Committee ay huwag ng kaltasan ng buwis.