Approval, trust ratings ni Pangulong Marcos bumaba; Sara tumaas
MANILA, Philippines — Dumausdos pababa ng 2 puntos ang nationwide approval ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang bumaba ng 5 puntos ang kanyang trust ratings, batay sa latest Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia.
Mas mababa ito sa approval rating ni Marcos na 55 percent noong Marso na ngayon ay nasa 53 percent nito sa nagdaang buwan ng Hunyo.
Samantala noong Marso ang trust rating ng Pangulong Marcos ay nasa 57 percent pero ito ay nasa 52 percent na lamang nitong Hunyo.
Tumaas naman sa 2 puntos ang approval rating ni Vice President Sara Duterte mula sa 67 percent noong Marso ay naging 69 percent nitong Hunyo. Wala namang nagbago sa trust rating ni VP Sara dahil parehong nasa 71 percent noong Marso at Hunyo ngayong taon.
Mula sa Luzon nagmula ang pinakamataas na pagbaba ng approval rating ni Pangulong Marcos na 9 percent o mula 66 ay naging 57.
Ang dalawang puntos na pagbaba naman sa approval rating ni Pangulong Marcos ay nagmula sa Mindanao na pumalo sa 38 mula sa dating 40.
Nakopo naman ni Pangulong Marcos ang 14-point increase sa National Capital Region na mula 47 ay naging 61 at ang 2-point increase ay galing sa Visayas mula 54 ay naging 56.
Bumagsak naman ang approval rating ni Pangulong Marcos ng may 13 percent mula sa Class ABC habang 3 percent na pagbaba sa Class D samantalang sa Class E income bracket, si Pangulong Marcos ay nakakuha ng 4 percent.
Kay VP Sara, ang kanyang approval rating ay tumaas ng 12% sa NCR, 16% sa Visayas at 3% sa Mindanao habang 7% naman ang ibinaba nito sa Luzon.
- Latest