MANILA, Philippines — Iprinisinta ni dating Caloocan Cong. Edgar Erice sa publiko ang mga problema na posibleng kaharapin ng Commission on Elections (Comelec) sa 2025 midterm elections.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni Erice na maraming “red flags” ang sistema ng Miru System Co. na gagamitin para sa automated voting system sa 2024 local at national elections.
Ani Erice, ang Miru contract ay magdadala ng gulo sa 2025 elections na hindi nakikita ng Comelec at sa halip ay mistulang abogado pa ng nasabing kompanya
Marso 11 nang magkasundo ang Comelec at Miru sa P18-bilyon para sa 2025 automated election system service contract.
Isa sa binunyag ni Erice ay ang re cast feature ng bagong vote counting machine.
Sa paliwanag ng Comelec, sa nasabing feature ay maaring magdagdag ang botante ng kanilang boto na makikita sa digital receipt kapag kulang ang shade nito sa balota.
Pangamba ni Erice ang simpleng sistema ng recast ay maaring magdulot ng sandamakmak na disenfranchised voters.
Paliwanag nito na sa ilang segundong delay, kapag pinagsama sama ay maaring tumagal at maging dahilan ng pagkainip ng mga botante at hindi na bumoto habang ang ibang pipila at magtatiyaga ay mapagsasarahan na ng presinto.
Apela ni Erice sa Comelec, magsagawa ng time and motion trial para maiwasan ang kaguluhan sa mismong araw ng eleksyon.