MANILA, Philippines — Inaasahang darating na ngayong hapon (Lunes) sa Maynila ang 21 Filipino seafarer na nasagip mula sa Houthi-hit MV Tutor sa Red Sea ilang araw matapos silang mailigtas noong Biyernes ng gabi sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang 21 Filipino seafarers ay mainit na tinanggap ni Philippine Ambassador to Bahrain Anne Jalando-on Louis noong Sabado at inaasahang sasakay ng flight pauwi ng Linggo ng gabi.
Makakasama ng mga marino si DMW Labor Attaché Hector Cruz.
Nasa 22 Filipino seafarers ang sakay ng MV Tutor nang salakayin ito ng Houthi rebel group habang naglalayag sa Red Sea noong Miyerkules.
Iniutos ni Pangulong Marcos noong Biyernes sa lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno na ilikas sa ligtas na lugar ang mga Pilipinong marino na nagresulta sa matagumpay na pagliligtas sa 21 marino habang ang isa ay nananatiling nawawala sakay ng barko.
Dumating sila bandang 5:30 ng hapon nitong Sabado sa Port of Manama, Bahrain.
Lahat ng 21 marino ay ligtas at maayos, ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac habang isinasagawa ang paghahanap sa nawawalang seafarer.