POGO hub sa Porac muling ni-raid ng PAOCC

Nauna nang sinalakay ang POGO hub noong Martes ng gabi pero hindi tuluyang napasok ng mga awtoridad matapos bawiin ng korte sa Bulacan ang inilabas na search warrant.
STAR/File

Tunay na may-ari ikabibigla ng publiko

MANILA, Philippines — Pinasok muli nitong Biyernes ng gabi ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang compound ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.

Ayon kay Usec. Gilbert Cruz, executive director ng PAOCC, walang kuryente kamakalawa ng gabi kaya nagpasya na lamang silang ituloy ang pagpasok nitong Sabado.

Sa bisa ng seach warrant na nakuha mula sa San Fernando Regional Trial Court pinasok at hinalughog ng mga awtoridad ang lugar upang hanapin ang sinasabing babae na nadinig na nagpapasaklolo.

Ang mga kuwarto umano ang nagsilbing barracks ng mga tao na tumuloy doon. Subalit walang natagpuan ang mga awtoridad.

Pero bago nito, dalawang Chinese nationals na ang nasagip sa naturang lugar. Ang isa, inabutan na nakatali sa bed frame at may mga pasa.

Nauna nang sinalakay ang POGO hub noong Martes ng gabi pero hindi tuluyang napasok ng mga awtoridad matapos bawiin ng korte sa Bulacan ang inilabas na search warrant.

Matatandaang unang ni-raid nitong Hunyo 2 ang  Lucky South 99 subalit nagtakbuhan ang mga empleyado at nakagulo ngunit naaresto ang nasa 157 empleyado na

Chinese, Vietnamese, at Malaysian nationals.

Lumilitaw na karamihan sa mga ito ay walang pasaporte at sinasabing nagbabakasyon lang sila at hindi nagtatrabaho sa POGO.

Samantala, sinabi ni Winston Casio, PAOCC spokesperson na ikabibigla ng publiko kung sino ang lilitaw na may-ari ng POGO hub.

Batay sa paunang imbestigasyon ng PAOCC, konektado ang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga sa POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Show comments