MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Bulkang Taal sa Batangas ng phreatic eruption gabi ng Biyernes na tumagal ng dalawang minuto at limang volcanic tremors na tumagal ng tatlo hanggang 608 minuto.
Ito ay batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa naturang bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Phivolcs, ang naturang aktibidad ng bulkan ay naitala makaraan ang dalawang araw na pagtaas ng degassing activity ng Taal.
Bukod dito, nagluwa rin ang bunganga ng bulkan ng 11,072 tonelada ng asupre. Naobserbahan din ang volcanic smog sa bulkan.
Ang pagluwa ng asupre ng bulkan ay mas mababa naman kaysa sa 18,638 tonelada na nailuwa ng bulkan sa nagdaang araw.
Mayroon ding 2,400-metrong taas ng plume o tinawag na “voluminous emission” ang namataan sa bulkan na napadpad sa may timog timog silangan at hilaga hilagang kanluran ng bulkan.
Naobserbahan din ang long-term deflation sa may Taal Caldera na sinabayan ng short-term inflation sa may hilaga at timog silangan ng Taal Volcano Island (TVI).
Patuloy na pinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa TVI dahil sa banta ng biglaang pagputok ng bulkan, volcanic earthquakes, minor ashfall at expulsions ng volcanic gas na lubhang nakaka- apekto sa kalusugan ng mga tao.
Ang Taal ay nananatiling nasa ilalim ng alert level 1.