MANILA, Philippines — Isang 24-anyos na babaeng kadete na taga Surigao City, Surigao del Norte ang nanguna sa 2024 graduating class ng Philippine Military Academy (PMA) ngayong taon.
Si Cadet First Class (Cdt 1stCL) Jeneth Elumba ay nagtapos na magna cum laude mula sa kabuuang 278 kadete ng Bagong Sinag Class 2024 (Bagong Henerasyong Gagampanan ang Tama: Serbisyo, Integridad at Nasyonalismo ang Aming Gabay).
Nasa pitong babae naman ang pumasok sa top 10.
Ayon kay PMA Superintendent Lt. Gen. Rowen Tolentino, si Elumba bilang magna cum laude ay tatanggap ng Presidential Saber mula kay President Ferdinand Marcos Jr. Kabilang rin sa igagawad kay Elumba ay ang Philippine Army Saber, JUSMAG Saber, Australian Defense Best Overall Performance Award (ARMY), Tactics Group Award at Army Professional Plaque.
Sa kabuuang 278 cadets na bumubuo sa 2024 Bagong Silang Class, 224 dito ang lalaki at 54 ang babae. Itinakda ang graduation rites ng PMA Class 2024 sa darating na Mayo 18.