MANILA, Philippines — Lagpas 100 lokal na pamahalaan na ang nagdedeklara ng state of calamity dahil sa matinding epekto ng El Niño, bagay na nagpapataas ng tiyansa ng "below-normal rainfall conditions."
Ito ang ibinahagi ni Task Force El Niño spokesperson Assistant Secretary Joey Villarama sa mga reporter sa Malacañan ngayong Martes, ito kasabay ng nagtataasang heat index araw-araw.
Related Stories
"As of the latest update from the Office of Civil Defense, nasa 131 cities and municipalities na po yung nag-deklara ng state of calamity. Kalat-kalat po iyan sa buong Pilipinas," wika ni Villarama kanina.
"Sa bilang po na ito, meron po pitong buong probinsya. Nandiyan po 'yung Occidental Mindoro, Antique, Sultan Kudarat, Basilan, Maguindanao del Sur, Maguindanao Del Norte, at yung nadagdag po is yung South Cotabato."
Sinasabing umabot na sa P4.39 bilyong halaga ng pinsala na ang naidulot nito sa sektor ng agrikultura, bagay na nakaapekto na aniya sa 77,731 ektaryang bukirin.
Sa apektadong mga lugar, tinatayang 77% ang sinasabing makababangon pa. Tinitignan na ngayon ng Task Force El Niño ang posibilidad ng cloud seeding upang maibsan ang epekto ng kawalang ulan.
"May kailangan ma-fulfill na condition so kung may seedable clouds, kung ano yung ihip ng hangin kasi nga po mag-cloud seeding po kayo tapos biglang lumipat yung hangin at mapunta sa dagat," dagdag pa ni Villarama.
Una nang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes na umabot na sa 1.68 milyong katao na ang nasalanta ng El Niño.
Ibinalita ito matapos itayang umabot sa "dangerous" heat index classification ang 34 lugar sa buong Pilipinas. Pinamataas dito ang Dagupang City, Pangasinan sa 48°C. Kaugnay nito, ilang eskwelahan ang nagsuspindi ng klase nitong mga nakaraang araw.
Ano ba ang state of calamity?
Ayon sa Republic Act 10121 o Philippine Disaster Reduction and Management Act, tumutukoy ang state of calamity sa:
[C]ondition involving mass casualty and/or major damages to property, disruption of means of livelihoods, roads and normal way of life of people in the affected areas as a result of the occurrence of natural or human-induced hazard.
Sa tuwing nagpapatupad nito, nagpapatupad ang gobyerno ng price ceiling sa mga pangunaahing bilihin, maliban pa sa pagbabawal sa overpricing, profiteering at hoarding ng commodities, gamot, atbp.
Namimigay rin ng no-interest loans ang gobyerno, lalo na sa mga pinakaapektadong populasyon sa pamamagitan ng mga kooperatiba o organisasyon.