FDA nagbabala sa pagbili ng 4 uri ng gamot
MANILA, Philippines — Pinapayuhan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili at paggamit ng ilang uri ng gamot na hindi rehistrado at posibleng may peligrong dala sa kalusugan.
Kinabibilangan ito ng over-the-counter Ibuprofen Granules, isang foreign character brand name nai-translate sa “Zang Jikang”, Hasen Sterile Water for Injection 2ml, at Anchajian Huanshipian Aminophylline Sustained – Release Tablet 0.1.
Napatunayan sa pamamagitan ng Post-Marketing Surveillance (PMS) ng FDA na ang mga nasabing gamot ay hindi dumaan sa proseso ng rehistrasyon ng FDA at hindi nabigyan ng kaukulang awtorisasyon tulad ng Certificate of Product Registration (CPR).
Dahil dito, hindi masisiguro ng ahensya ang kalidad, kaligtasan at bisa nito. Samakatuwid, ang paggamit ng nasabing mga iligal na produkto ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Alinsunod sa Republic Act No. 9711, o ang Food and Drug Administration Act of 2009, ang paggawa, pag-angkat, pagbenta, pamamahagi, paglipat, promosyon, pagpapatalastas o sponsorship ng produktong pangkalusugan nang walang kaukulang awtorisasyon mula sa FDA ay ipinagbabawal.
Karampatang parusa ay mahigpit na ipatutupad sa mga lalabag na establisimyento.
- Latest