MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinuportahan ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na isang anti-charter change advocate, ang pagpasa ng resolusyon na nanawagan ng pag-amyenda sa economic provisions sa 1987 Philippine Constitution.
“I support RBH 6 (of the Senate) and RBH 7 (of the House of Representatives),” ayon kay Carpio sa isang consultative session sa Charter change na inorganisa ng Democracy Watch.
Ginawa ni Carpio ang pagsuporta sa kondisyon na ito ay may oportunidad sa investment para sa foreign investors kung saan siya ay pabor sa balanseng pamumuhunan kung saan ang foreign investors ay bibigyan ng parehas na pribilehiyo tulad ng tinatanggap ng Filipino investors.
Sa ilalim ng RHB 6 at 7 kapwa nito aamyendahan ang Article 12 (National Economy and Patrimony), 14 (Education, Science and Technology, Arts, Culture, and Sports), at 16 (General Provisions).
Layunin umano nito na buksan ang ekonomiya ng Pilipinas at alisin ang restriksiyon laban sa foreign ownership ng public utilities, educational institutions, media and advertising alinsunod sa isinasaad ng batas.
Ayon kay Carpio, tumatanggi ang Senado sa joint sessions kaugnay sa Charter change dahil sa pangamba na matalo sa boto.
Gayunman, kung ang Kongreso ay magkakaroon ng agreement sa RHB 6 at RHB 7 at ipasa ito ay mapapaaga pa ang inaasam na charter change.
Nanindigan din si Carpio sa kahalagahan ng foreign investments sa mga kritikal na sektor gaya ng internet infrastructure, dahil kailangan ito ng Pilipinas para manatiling competitive sa global scale sa pamamagitan ng pagyakap sa technological progress.