'Tao lang siya': DepEd hindi paparusahan galit na guro sa viral TikTok video

Litrato ni DepEd Secretary at Bise Presidente Sara Duterte habang binibisita ang ilang estudyante sa Buguias, Benguet
Mula sa Facebook page ni Sara Duterte

MANILA, Philippines — Walang parusang ipapataw ang Department of Education (DepEd) sa isang guro matapos i-livestream ang sarili habang sinasabon ng galit ang kanyang mga estudyante sa TikTok.

Sa video, maakikitang kinakastigo ng guro ang diumano'y masamang ugali ng mga estudyante. Dahil dito, nasabihan niya ang mga bata ng "ugaling iskwater," "ingrato," "walang mararating sa buhay" at "wala kayong lugar sa mundo."

"Nakita ko 'yung explanation niya. And then sinabihan ko ang regional office natin na there will be no penalties for the teacher," sabi ni DepEd Secretary at Bise Presidente Sara Duterte sa isang ambush interview nitong Miyerkules.

"Just to remind the teacher that if she is angry, she has to pause. Itigil muna 'yung klase. And when she's not angry anymore, tska siya magklase."

 

 

Dagdag pa ni Duterte, sinabi aniya ng guro na hindi niya alam na online siya nang nangyayari ang insidente.

Nang matanong kung bakit walang parusang ibibigay sa teacher, sinabi na lang ng ikalawang pangulo na natural lang na nagagalit ang tao. Gayunpaman, kinakailangan daw na maharap ito nang maayos.

"This is especially true sa mga teachers dahil ang mga teachers natin hindi lang isa na tao'yung kausap nila. Ang isang klase ay merong from 25, to 45, sometimes 55," sabi pa ni VP Sara.

"Dahil sabi ko nga, tao tayo lahat. Lahat tayo inaabutan ng galit. Ang dapat natin maintindihan ay kung ano ang gagawin natin kung tayo ay galit na."

Psychological intervention

Dagdag pa ni Duterte, merong programa ang DepEd para magabayan ang mga batang naapektuhan ng ginawa ng guro.

Kasama na rito ang psychological at psychosocial support, lalo na't merong aniyang mga gurong sinanay na sa stress debriefing sa ilalim ng DepEd disaster program.

Pwedeng-pwede raw aniya itong i-avail oras na magpakita ng anxiety o stress ang mga estudyante dulot ng insidente.

Sabado lang nang sabihin ng DepEd na iniimbestigahan na ng kagawaran ang nangyari alinsunod sa kanilang mga patakaran.

Dahil dito, nahainan ng show cause order ang guro nitong Lunes para pagpaliwanagin.

Nangyayari ang lahat ng ito ilang aaraw lang matapos tanggalin sa trabaho ang isang guro ng University of Cebu matapos ma-videohang in-eengganyo ang mga estudyanteng magpakamatay. — may mga ulat mula sa News5

Show comments