MANILA, Philippines — Tila wala umanong ahensya ang nais mag-imbestiga sa pagkamatay ng 90 katao sa Maco, Davao de Oro noong nakaraang buwan dulot ng landslide, ayon kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.
“Parang walang gustong kumilos at parang gustong ibaon na lang natin sa limot ang insidente,” puna niya.
Ayon kay Cong. Tulfo, “okey lang na hindi na imbestigahan kung walang namatay, kaso 90 ang binawian ng buhay doon…ganun-ganun na lang ba”?
Inakala umano niya na kikilos agad ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) o ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) para mag-iimbestiga subalit walang nangyari.
Sa isang interview, sinabi ng House Deputy Majority leader na dahil walang gustong kumilos, naghain sila ng panukala kasama si Davao De Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga para manghimasok na at imbestigahan ng kongreso ang malagim na insidente.
“Nasa komite na ni Dinagat Cong. Allan Ecleo, chairman ng Committee on Disaster pero di pa rin masimulan dahil magbabakasyon muna ata daw yung head ng secretariat nila,” sabi ni Tulfo.
Di niya raw maintindihan pero mukhang may puwersa na gustong pagtakpan ang nasabing kaso.
Suportado naman ng house leadership at ilang mambabatas, tulad ACT Teachers at Gabriela Partylist ang pag-iimbestiga ng kongreso sa Maco landslide incident.
“Dapat may managot dito kasi idineklara na nga na no build zone bakit may mga bahay pa rin doon?”, pahabol pa ni Tulfo.