Pangulong Marcos: Teritoryo ng Pinas ‘di isusuko

MANILA, Philippines — Muling nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mambabatas at matataas na opisyal ng Australia na patuloy na panindigan na depensahan ang kasarinlan ng Pilipinas.
Sa talumpati ng Pangulo sa harap ng Australian Parliament, iginiit nito na hindi bibigay sa usapin ng South China Sea (WPS) ang Pilipinas, at sa halip ay panghahawakan kung ano ang isinasaad ng United Nations Convention on the law of the Sea o UNCLOS.
Ang UNCLOS anya ang nagsisilbing “Constitution of the Ocean”.
Iginiit ng Pangulo na hindi siya papayag na kahit katiting na teritoryo ng bansa ay maagaw o mawala sa Pilipinas.
Hinikayat naman ni Marcos ang mga nasa parliament na magkaisa at magsama-sama sa gitna ng pinag-aagawang teritoryo na umano’y under threat o pinagbabantaan ang kapayapaan at katatagan.
Sinabi pa ng Pangulo sa Australian parliament na hindi kakayaning tumayo ng iisang bansa lamang laban sa ilan na mayroong pagtutol at paglabag sa rule of law.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang Australia dahil sa laging presensya nito at sa pagtulong sa PIlipinas sa usapin ng pakikipaglaban sa karapatan sa pag-aari ng teritoryo.
- Latest