Cash gift sa edad 80, 85, 90, 95 pipirmahan ngayon ni Marcos
MANILA, Philippines — Inaasahan na pipirmahan na ngayon araw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang panukalang-batas na magbibigay ng cash gifts sa senior citizens.
Sa House Bill No. 7535 na iniakda ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes, tatanggap ng P10,000 ang mga aabot sa edad 80, 85, 90 at 95.
Layon ng panukala na maamyendahan ang RA 10868 o ang “Centenarians Act of 2016” para sa pagbibigay ng karagdagang benepisyo at pagkilala sa mga octogenarians o ang mga nasa edad 80-89 at nonagenarians o ang nasa edad 90-99 sa bansa.
Inihain ni Ordanes ang Committee Report 419 matapos ang mga pagdinig ng pinamumunuan niyang Special Committee on Senior Citizens hinggil sa panukala.
Noon lamang din nakaraang Disyembre naaprubahan ang panukalang batas ng Bicameral Conference Committee ng Senado at Kamara.
“Una ay labis tayong nagpapasalamat kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., kay House Speaker Martin Romualdez at sa mga kapwa natin mambabatas sa Kamara. Ito ay pagpapakita ng tunay na malasakit at pang-unawa ng ating gobyerno sa ating mga minamahal na senior citizens,” ani Ordanes.
- Latest