MANILA, Philippines — Pinag-aaralan pa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hirit na ipatigil ang pagtataas ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na wala pang desisyon si Pangulong Marcos sa apela ng Department of Health (DOH) na suspendihin ang 5% adjustment sa kontribusyon sa mga miyembro ng PhilHealth.
Paliwanag ni PCO Secretary Cheloy Garafil, patuloy pa rin pinag-aaralan ng Pangulo ang tungkol dito.
Nais anya ng Presidente na makasiguro na ang anumang pagtataas sa PhilHealth premium ay makadaragdag din sa mga benepisyo at coverage ng mga miyembro.
Magugunita na hiniling ni Health Sec. Ted Herbosa na ipagpaliban ang taas-kontribusyon para mabawasan ang kalbaryo ng mga miyembro sa mahal na presyo ng mga bilihin.
Giit pa ng kalihim, hindi naman ito ikalulugi ng state health insurer dahil may sapat pa itong pondo para tustusan ang pagbibigay benepisyo sa mga miyembro.
Ang pagtataas sa rate ng PhilHealth ay base sa isinasaad ng Universal Health Care (UHC) Law.