P100 taas sahod tablado, ‘di pa kaya ng employers
MANILA, Philippines — Wala pang kakayahan ang mga employers na maipatupad ang panawagan ng ilang Senador na itaas sa P100 across-the-board ang minimum wage ng mga manggagawa sa bansa.
Sa media briefing sa Quezon City, sinabi ni Sergio Ortiz –Luis Jr., pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) at presidente ng Philippine Exporters Confederation, Inc. (Philexport), hindi pa napapanahon na maipatupad ang naturang wage hike dahil maraming employers ngayon ang hindi pa nakakaangat mula sa nagdaang epekto ng pandemya.
Kaugnay nito, sinabi ni ECOP Director at Phil. Chamber of Commerce & Industry (PCCI) Labor & Employment Committee Chairman, Arturo “Butch” Guerrero na dapat munang magkaroon ng isang multi-sectoral consultations sa pagitan ng mga stakeholders hinggil sa usapin ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa bago ang desisyon para dito.
Anya, ang anumang mabilisang hakbang para dito ay magdudulot ng matinding epekto sa business sector na kasalukuyan pang nakaka-recover ang maraming negosyante mula sa epekto ng pandemya laluna ang mga negosyo na nasa micro, small, at medium-scale enterprises (MSMEs) na may pinaka maraming workforce sa bansa.
Hinikayat nito ang mga senador na hayaan munang pag-isipan at pag-aralang mabuti ng Regional Wage Boards ang isyu upang hindi naman masaktan ng todo ang sektor ng pagnenegosyo at tuloy mapangalagaan ang estabilidad ng ekonomiya ng bansa.
- Latest