MANILA, Philippines — Nagbabala ang Civil Service Commission (CSC) sa publiko laban sa mga review center, grupo at mga pribadong indibidwal na nagpapakilalang inindorso sila ng komisyon upang mag-alok ng online at face-to-face review class para sa CSE Professional at Subprofessional Levels.
Sinabi ng Civil Service Commission (CSC) na hindi sila nag-iindorso ng anumang review material o review center para sa Career Service Examination (CSE).
Ginawa ni CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles ang pahayag matapos makarating sa kanilang tanggapan na may mga grupo, pribadong indibidwal at review center na gumagamit ng pangalan, logo at website ng CSC para maka-engganyo ng mga nais sumailalim sa face-to-face review class.
Pinaalalahanan din ni Nograles ang mga examinees na maging maingat sa mga review materials na ibinebenta sa mga bookstore, sa social media channels, at sa mga online selling platforms, na sinasabing mga reproductions ng aktuwal na eksaminasyon na dating pinangangasiwaan ng CSC.
“Sa tuwing nalalapit ang civil service exam, talagang naglalabasan ang mga review centers and reviewers na nag-aalok umano ng tutorials sa murang halaga”, giit ni Chairperson Nograles na sinabing diskresyon na ito ng mga aplikante.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9416 o ang Anti-Cheating Law, ang hindi awtorisadong pagmamay-ari, hindi awtorisadong paggamit, pagpaparami at pagpapakalat sa anumang anyo ng, mga materyales sa pagsusulit, sa kabuuan o bahagi, ng isang indibidwal, pribado man o empleyado ng gobyerno, grupo o review center, mula sa hindi awtorisadong pinagmulan, ay dapat ituring na isang gawa ng pandaraya.
Idinagdag pa dito na ang sinumang tao na gumawa ng ipinagbabawal na gawain ay maaaring patawan ng parusang pagkakulong at multang hindi bababa sa P50,000.