MANILA, Philippines — Posibleng bumaba na sa Marso ang presyo ang galunggong sa merkado.
Ito ay dahil matatapos na ang closing fishing season ngayong buwan ng Enero.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na sa kasalukuyan ay nasa P240 ang presyo ng galunggong kada kilo.
Ayon kay Laurel, asahan nang mas maraming huli ang mangingisda pagsapit sa buwan ng Marso kung kaya maaring bumaba ang presyo nito sa P130 hanggang P150 kada kilo.
Iginiit pa ng kalihim na ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang aquaculture sa bansa dahil kailangan maparami ang isda sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga habitat nito at pagpahingain ang mga fishing grounds ng ilang taon.
Ipinag-utos din umano ng Pangulo na palakasin ang seaweed industry para may dagdag na kabuhayan ang mga mangingisda.
Sa ngayon, sinabi ni Laurel na may ayudang ibinibigay ang DA sa mga mangingisda gaya ng mga bangka, kooperatiba at iba pa.