‘Ease of Paying Taxes Act’ pirmado na ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11976, na tatawaging “Ease of Paying Taxes Act.”
Ang nasabing batas ay kabilang sa mga priority bills ni Marcos na binanggit sa kanyang State of the Nation Address noong 2022 at 2023.
Sinusuportahan ng bagong pirmahang batas ang 8-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyon sa pamamagitan ng pangongolekta ng mas maraming buwis.
Aamiyendahan nito ang ilang mga seksyon ng National Internal Revenue Code of 1997 upang ma-update ang sistema ng pagbubuwis sa Pilipinas.
Kabilang dito ang classification ng mga taxpayers sa micro, small, medium, at large; electronic o manual filing ng returns at pagbabayad ng buwis sa BIR, sa pamamagitan ng alinmang awtorisadong ahente ng bangko o awtorisadong tagapagbigay ng software ng buwis; opsyong magbayad ng internal revenue taxes sa City o Municipal Treasurer; at pag-aalis ng pagkakaiba sa pagitan ng dokumentasyon at batayan ng pagbebenta ng mga kalakal at serbisyo; at classification value-added tax (VAT) refund claims sa low, medium, at high-risk.
- Latest