56 probinsiya masasapul ng El Niño
MANILA, Philippines — Makakaranas ng matinding ng El Niño phenomenon ang may 56 na lalawigan sa bansa simula sa Abril ngayong taon.
Una nang inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na hanggang sa unang quarter mararamdaman ang El Niño pero sa hindi inaasahan ay hahaba pa ang araw ng tagtuyot sa buwan ng Abril.
Sa pagtatapos ng Enero ngayong taon ay may 14 nang probinsiya ang inaasahang makakaranas ng tagtuyot na karamihan ay pataniman sa Northern at Central Luzon tulad sa Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan, at Nueva Ecija.
Nasa 27 na probinsya naman ang maaapektuhan ng El Niño sa Pebrero. Posible itong tumaas sa 44 sa Marso at maaaring umabot sa 56 sa Abril.
Binigyang diin ng PAGASA na ang mga lugar na nakakaranas na ng matinding init sa nagdaang mga buwan ay tuluy-tuloy nang daranas ng epekto ng tagtuyot at inaasahang papalo ang init ng panahon sa pinaka mataas na 40 degrees celcius sa Northern Luzon.
Kaugnay nito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) sa mga farmers organization at LGUs para pagtulungan na maibsan ang epekto ng El Niño laluna sa mga pataniman.
- Latest