Pekeng political surveys kumakalat sa social media
MANILA, Philippines — Pinag-iingat ang publiko laban sa paglaganap ng mga pekeng political surveys sa social media na naglalayong linlangin ang mga botante at kandidato sa darating na 2025 halalan.
Ayon kay Anton Salvador, tagapagsalita ng mga lehitimong polling organizations sa Pilipinas, delikado ang ganitong mga survey dahil sa maling impormasyon na kanilang ipinapakalat, na posibleng magdulot ng kalituhan at makaapekto sa demokratikong proseso ng halalan.
Binanggit ni Salvador na nadiskubre kamakailan na may dalawang pekeng survey firm ang natuklasan.
Lumitaw sa imbestigasyon na walang eksperto sa statistics, tagapagsalita, malinaw na methodology at opisina sa halip ay nananatili lamang sila sa social media ang dalawang pekeng survey firm.
Gumagamit umano ng modus operandi ang dalawa kung saan ginagaya nila ang mga lehitimong survey upang magmukhang kapani-paniwala.
Ani Salvador, napakadelikado ng mga pekeng survey na ito. Hindi lang nito niloloko ang mga kandidato kundi sinisira rin ang tunay na damdamin ng mga botante.
Payo ni Salvador sa mga botante at kandidato na tanging sa mga lehitimong organisasyon lamang na kinabibilangan ng Social Weather Stations (SWS), Pulse Asia, Publicus Asia, Ibon Foundation, RPMD Foundation Inc., HKPH-ARC, RP-Mission and Development Foundation Inc., at Octa Research lamang ang kilalanin.
- Latest