Mas matinding pagsabog ng Kanlaon asahan — Phivolcs
MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Philippine Institute of Volcanology and Seislology (Phivolcs) ang mga residenteng nakatira malapit sa Bulkang Kanlaon sa Negros na maghanda at lumikas sa mas ligtas na lugar sa mga susunod na araw.
Ito ay dahil sa inaasahang mas matinding pagsabog na maganap sa bulkan sa susunod na mga linggo.
Ayon kay Phivolcs Chief Teresito Bacolcol, nasa alert level 3 na ang Kanlaon na nangangahulugan ng pagkakaroon ng magmatic unrest at maaaring magkaroon ng matinding pagsabog.
“Pinapayuhan natin ang ating mga residente na huwag munang pumasok sa six-kilometer danger zone. Kahapon, it was an explosion, a strong explosion kahapon ang nangyari,” sabi ni Bacolcol.
Anya, kinakitaan ng magma ang bulkan hindi tulad ng nagdaang aktibidad na may steaming at may kasamang abo lamang.
“When we talk about magmatic eruption, this is magma na lumalabas at nagkaroon ng lava. Pero so far, hindi pa po natin nakikita ‘yan ngayon sa Kanlaon Volcano,” sabi pa ni Bacolcol.
Kasabay nito, pinaghahandaan na ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman at Defense Secretary Gilbert Teodoro ang posibilidad na itaas sa alert level 4 ang Kanlaon.
Ito’y kasunod ng ginawang pulong kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang agad na maaksiyunan ang posibleng epekto ng pagputok ng nasabing bulkan.
Nabatid na tatlong Linggo ang gagawin obserbasyon sa pag-aalboroto ng Kanlaon at inaasahan nilang posibleng lumala ang sitwasyon o iakyat sa alert level 4.
Sakaling hindi tumigil ang pag-alburoto, palalawakin pa sa 10 km radius ang danger zone sa paligid nito na nangangahulugan na kailangan nang ilikas ang mga residente.
Nitong Lunes ay nagkaroon ng pagsabog ang Kanlaon na may 3 minuto at 55 segundo ang haba.
Mayroon ding pyroclastic density current na naitala sa bulkan at napaka destructive nito na maaaring masunog ang anumang bagay na daluyan nito.
- Latest