MANILA, Philippines — Hinamon ni Senate Minority leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Department of Transportation (Dotr) na isapubliko ang kumpanyang nagsu-supply ng modern jeepneys.
Ayon kay Pimentel, dapat ngayon pa lamang ay maging transparent ang DoTr sa PUV modernization program at maging tapat na kung anong kumpanya o anong bansa ang bibilihan ng sasakyan na gagamiting pamalit para sa mga traditional jeepney na gustong i-phaseout.
Ipagtapat na rin umano kung sino ang middle man o contractor na tiyak na kikita ng malaki, bukod pa sa kung sino ang orihinal na nakaisip ng PUV modernization.
Idinagdag pa ng minority leader na sa nasabing programa ay pinipilit na sumali sa kooperatiba at mangutang ang mga driver at operator para makabili ng bagong sasakyan na nagkakahalaga ng P2 milyon.
Dapat magkaroon ng bidding sa mga pagbili ng mga sasakyan alinsunod sa government procurement reform act dahil gagamitin dito ang pera ng gobyerno.
Ang tinutukoy ng Senador ay ang mahigit sa P200,000 na magiging subsidiya ng gobyerno sa pagbili ng modern jeep.
Nauna nang iginiit ni Pimentel na suspindihen ang PUV modernization program hanggang hindi nareresolba ang mga isyu dito.