MANILA, Philippines — Lumobo na sa 52 katao ang fireworks-related injuries sa Pilipinas bago ang Bagong Taon 2024 — dahilan para maitala ang unang limang kaso ng "amputations" buhat ng paputok ngayong taon.
Ayon sa FWRI report ng Department of Health (DOH) ngayong Martes, pumalo sa 24 ang bagong kaso ng mga nadisgrasya batay sa monitoring nitong ika-25 hanggang ika-26 ng Disyembre.
Related Stories
"Naitala ngayon ng DOH ang limang (5) kaso ng traumatic amputations dahil sa paputok... tatlong (3) menor de edad at dalawang (2) matatanda, pawang mga lalaki, mula sa buong bansa," wika ng Kagawaran ng Kalusugan.
"Dapat sisihin ang mga iligal na Boga, Plapla, Five-star, at Goodbye Philippines fireworks, at ang legal na whistle bomb. Magpaalam sa paggamit ng paputok sa bahay sa halip na magpaalam sa iyong mga daliri."
"Ang limang (5) amputation na naunang nabanggit ay nagresulta sa pagkawala o pagkaputol ng mga daliri at kamay."
Sa 24 na bagong kaso, sinasabing edad 5-anyos hanggang 52 taong gulang ang mga nadisgrasya. Narito ang itsura ng mga biktima:
- lalaki: 23
- babae: 1
- naputukan sa bahagy o kalapit na kalye: 22
- aktibong sangkot: 21
- gumamit ng iligal na paputok: 16
Nasa 52 na ang nabibiktima sa ngayon, karamihan ay nagmula sa Metro Manila:
- National Capital Region: 20
- Central Luzon: 6
- SOCCSKSARGEN: 5
Una nang ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) ang updated na listahan ng mga iligal na paputok at pyrotechnic devices.
Pinasalamatan naman ng DOH ang PNP sa patuloy nitong pagsugpo sa mga ipinagbabawal na paputok, maliban pa sa walang habas na paggamit ng baril bilang pampaingay ngayong holiday season.
Ngayong buwan lang nang maglabas ang Department of Trade and Industry ng listahan ng certified fireworks upang magabayan ang mga consumer ngayong New Year.
Matagal nang hinihikayat ng DOH ang publikong umiwas ang lahat sa paggamit ng paputok, at sa halip gumamit na lang ng mas ligtas na paingay.
"Patuloy tayong nananawagan sa ating mga Mayor at Barangay Captain – muli, oras na po para mamuno. Ang aming mga Centers for Health Development (CHD; regional offices) ay nagpapatakbo ng tawag sa pagkilos na ito," panapos ng DOH.