MANILA, Philippines — Isinusulong ni House Committee on Dangerous Drugs chairperson at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang agarang pagsusunog sa mga nakumpiskang illegal drugs upang maiwasan ang recycling ng mga ito.
Sa panukala ni Barbers na Prompt Dangerous Drugs Destruction Act (House Bill 9668), nakasaad na pinapayagan nang sunugin ang mga iligal na droga sa mga incineration facilities kasama ang mga crematorium.
Ayon kay Barbers, hindi maiaalis na mayroong mga nagkakaroon ng interes habang ang iligal na droga ay nasa kustodiya pa ng mga alagad ng batas at hindi pa nasisira.
Sa ilalim ng panukala, ang mga crematorium facility na lalahok sa programa ay bibigyan ng tax incentives.
Ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) naman ang pipili ng gagamiting crematorium facility sa pagsunog ng iligal na droga at bibigyan ng prayoridad ang malapit sa korte na may hawak ng isinampang kaso.
Ang pagsira ay sasaksihan ng tauhan ng PDEA, isang halal na opisyal ng gobyerno, kinatawan ng National Prosecution Service, media, at civil society group.
Inaatasan naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maglabas ng guidelines sa gagawing pagsunog upang hindi ito makadagdag sa polusyon.