Renewable energy sa lupaing ninuno, may benepisyo ba para sa mga katutubo?

Ang komunidad ng Alangan Mangyan noong tanghali nang ika-7 ng Oktubre 2023

ORIENTAL MINDORO, Philippines — Sa paanan ng Bundok Halcon nakatira ang isa sa pitong komunidad ng mga Alangan Mangyan na nananatiling limitado o wala pa ring akses sa kuryente sa kabila ng limang taong operasyon ng Catuiran hydroelectric power plant na itinayo sa kanilang lupain ninuno. 

Mangyan ang kolektibong tawag sa mga katutubo o indigenous peoples sa isla ng Mindoro na binubuo ng walong grupo kasama ang mga Alangan. Karamihan ng mga Alangan sa Oriental Mindoro ay nakatira sa Naujan kung saan itinayo ang planta.  

Matagal nang isinusulong ang pag-transisyon sa renewable energy ng Pilipinas sa ilalim ng Renewable Energy Act of 2008. Dahil ito sa lumalalang pagbabago ng klima na isa sa dulot ng paggamit ng fossil fuel. Nilalayon ng gobyerno na maging renewable energy ang 50% ng enerhiyang ginagamit sa bansa pagdating ng 2050. 

Subalit sa pagpasok ng mga ganitong klaseng proyekto sa lupaing ninuno, hindi malinaw para sa mga Alangan kung ano ang benepisyong naidudulot nito sa kanilang komunidad.

Ayon kay Prince Turtogo, national coordinator ng Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples Rights, mahalagang tukuyin na hindi lahat ng proyekto sa renewable energy ay naaayon sa prinsipyo ng Just Transition o ang makatarungan, patas, at abot-kayang transisyon ng enerhiya.

Ayon sa Asia-Pacific Economic Cooperation, ang isang makatarungan transisyon ay naglalayong tiyakin na ang mga indibidwal, grupo, at komunidad, kasama na ang mga katutubo, na direktang apektado ng produksyon ng enerhiya, carbon-intensive na industriya, at krisis sa klima ay makatatanggap ng mga benepisyo ng transpormasyon ito.

Kamahalan ng kuryente 

Natapos ang proyektong 8MW Catuiran Hydroelectric Power Plant sa Naujan, Oriental Mindoro noong Enero 2018.
Engineering and Development Corporation of the Philippines

Kasama sa ipinangako noon ng Sta. Clara Corp.–ang orihinal na nagsulong ng proyekto bago ito ipinasa sa Catuiran Hydropower Corp.–na magiging mura ang kuryente ng mga apektadong barangay sa pagtatayo ng planta. Ginamit bilang basehan dito ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001 (RA. 9136) ngunit hindi detalyado sa Memorandum of Agreement kung paano ito mangyayari. 

Bagaman maraming klase ng subsidy ang nakalagay sa nasabing batas, hindi nakasaad kung anong mga klaseng grupo ang may pribilehiyong makatanggap ng mas mababang presyo ng kuryente. 

Subalit ani ni Robin* (hindi niya tunay na pangalan), isang Alangan, “kung napatutupad man ang pangakong ito, mahal pa rin ang kuryente para sa amin.” Maraming mga walang akses sa kuryente dahil sa kamahalan nito sa pinansiyal konteksto ng mga Alangan. Isa sa pangunahing hanapbuhay ng mga Alangan ang pagtatanim, ngunit marami na rin nagtratrabaho sa bayan dahil hindi ito sapat upang masustentahan ang kanilang pangangailangan. 

Kadalasan, dalawang bumbilya lang ang kayang bayaran ng maraming pamilya at umaabot ito sa halagang halos apatnapung piso (Php 40) kada buwan. Umaabot naman sa dalawang daan hanggang walong daang piso (Php 200-800) ang binabayaran ng ibang pamilya  kapag gumagamit sila ng electric fan at telebisyon. 

May mga pagkakataon namang hindi nila kinakayang bayaran ang bill kaya humahantong lamang sa pagkaputol ng kanilang linya ng kuryente. Isa na rito si Lara* (hindi niya tunay na pangalan), isang Alangan, na may sinusuportahang malaking pamilya.

Kakulangan sa benepisyong kapalit ng planta

Sa kabila nito, sabi ni Lara, kaya pa rin naman nilang mabuhay kahit walang akses sa kuryente. “Nabubuhay kami noon kahit walang kuryente basta’t may [hanapbuhay],” aniya. 

Subalit, dahil nga isinuko nila ang kanilang lupa upang maitayo ang planta na nakaapekto sa kanilang pamumuhay, hiling nila’y sana may nakukuha sila ng benepisyo rito, lalo na’t hindi pa raw naibigay at naipatupad lahat ng ipinangakong benepisyo at proyekto na nakasaad sa MOA. 

Bagaman naibigay ang ilan dito tulad ng mga kalabaw at yero, ilan sa mga proyektong hindi napatupad ay ang hanging bridge para madaling makatawid ang mga Alangan tuwing may baha, scholarships upang mapag-aral ang mga Kabataang Alangan, at mga oportunidad sa pagtratrabaho. 

Sa kasalukuyan, maraming plano ang gobyerno na magpatayo pa ng mga renewable energy sa Oriental Mindoro sa pag-asang matutugunan nito ang tumitinding brownout at masosolusyonan ang pagbabago ng klima. Noon pa man ay ipinangakong mareresolbahan ng nasabing planta ang pag-brownout sa probinsya, subalit nananatili pa ring malaking problema ito base sa mga residente. 

Ayon kay Forester Emily Aguilon, Chief ng Conservation and Development, mula sa CENRO (City Environment and Natural Resources Office) Socorro, hindi malabo na ang mga ganitong proyekto ay masasaklaw pa rin ang ilang lupaing ninuno dahil ang mga ganitong planta ay kadalasan itinatayo sa mga “remote” na lugar.

Matatandaang bago pa man itinayo ang planta, marami nang kontrobersiyang hinarap ang Sta. Clara Corporation. Kabilang dito ang proseso ng pagpayag (free prior and informed consent o FPIC) ng mga katutubo, pati na rin ang mga kapalit na benepisyong dapat natanggap nila. 

Nang aming ilang beses kunin ang pahayag ng National Commission on Indigenous Peoples dito, hindi sila sumagot sa imbitasyon. 

Samantala, sabi ni ni Giovanni Reyes, presidente ng Philippine ICCA Consortium, kung totoong naproseso nang maayos ang FPIC, dapat ang gobyerno at kumpanya ay may malinaw na pagbabahagi ng benepisyo at pagpapatupad ng makatarungang pagtransisyon sa renewable energy kasama na ang pagrespeto sa karapatang-pantao.  

Bagkus, panawagan ng mga Alangan na maibigay na ang ilang benepisyong dapat natanggap nila ilang taon na ang nakaraan kasama na ang maayos at murang kuryente lalo na’t nakatayo ang planta sa kanilang lupaing ninuno.

“Sana kaming mga katutubo [ay] wag ilagay sa baba. Nakipagusap kami [nang] tao sa tao, at sana ganun din sila [dahil] ‘tao’ rin naman ang ibig sabihin ng [salitang] Mangyan,” ani ni Lara.

 

* Ang mga interviewee mula sa mga komunidad ng Alangan Mangyan ay nagpasyang manatiling anonymous sa kadahilanang pangkaligtasan.

 

--  Ang report na ito ay sinuportahan ng Climate Tracker Asia at ng Embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas

 

Show comments